Ugh.

Hinimas-himas ko lang, para hindi lumambot itong blog na ito ok.

Shall.

Halos apat na buwan na rin pala mula nung huli akong naglagay ng entry dito. Medyo hindi ko rin napanindigan 'yung sinabi kong dapat mas madalas kong i-update ang blog na ito kesa sa dalas ng pagsisipilyo. Pero wala, ganun talaga. Wala akong isang salita.

Umpisahan natin ang entry na 'to sa pamamagitan ng pagtatanong sa aking sarili. Kamusta na ba ako?

Marami-rami rin ang nangyari sa akin simula noong Oktubre noong nakaraang taon. Nandiyan 'yung umalis ako sa'min nang walang paalam. Sino ba naman kasi ang tangang magpapaalam muna bago lumayas? Alam kong medyo matanda na ako para sa term na 'layas' kaya mas maganda sigurong gamitin ang salitang 'nagsarili'. Hindi 'yung nagjakol na nagsarili ah! Pero 'yun nga, nagsarili na ako. Nandiyan rin 'yung tumira at nakikain ako sa mga kaibigan hanggang sa makahanap ako ng bagong trabaho at bagong matitirhan. Dumalas rin ang pagpanik panaog ko sa mga bundok at masasabi kong ang hiking ang isa sa mga gusto kong gawin bago man lang ako magkasakit ng matindi at mamatay dahil sa bisyo. Nagkaron rin ako ng mga bagong kaibigan at mas madalas ko na ring nakakasama ang ilan sa mga luma.

Tatanungin ko ulit ang sarili ko. Masaya ba ako?

Oo, masaya naman ako kahit na medyo mahirap. Madalas akong kinakapos sa pera dahil sa pang-araw na araw na gastos na sinisingitan mo pa ng pamumundok, talagang gutom ang abot. Pero masaya naman.

Katulad ng nakagawian, putulin ulit natin ang blog entry na ito sa walang kakwenta-kwentang paraan. Hehe.

Kayo, kamusta kayo?


Kinonsidera ko na na hindi ito isa sa mga araw na maaalala mo. Hindi ka man lang lumingon at dirediretso ka nang pumasok sa loob. Pinanood kitang lumakad at pumasok sa kumpol ng mga tao. At nung tumalikod na ko para umuwi, bigla mo akong tinawag...


Uuwi ka ba sa Pampanga ngayon?
Oo eh.
Ahh, Sabado nga pala ngayon. Saan ka sasakay niyan papuntang Pampanga?
Mag-e-MRT ako eh. Sa may Buendia. Tapos pagdating ng Cubao, bus.
Sasakay ka papuntang Buendia station?
Oo, magbu-bus ako.
Maglakad na lang tayo!
Ayoko nga. Ang layu-layo eh.
Akin na, ako na magbibitbit niyang mga gamit mo para hindi ka mahirapan.
Hindi, okay lang ako.
Tara, maglakad na lang tayo. Para naman may kasama akong maglakad. Tsaka para may makausap ako.
Sasakay ako.
Tara na. Sus. Minsan lang 'to oh.
Sige na nga! Saan ba tayo dadaan?
Dito tayo, sa may Enterprise. Para malamig.
Eh saan ang labas niyan?
Sa Landmark na.

***

Oh, nasa Landmark na tayo. Tapos?
Lulusot tayo ng Glorietta, tapos SM. Tapos MRT na.
Eh saan ka ba sasakay?
Sa Ayala. Magbubus ako.
Akala ko pa naman mag-e-MRT ka! SUS!
Haha! Hindi ah. Magbubus lang ako.
Kaya nga ko pumayag maglakad kasi akala ko mag-e-MRT ka.
'Wag kang mag-alala, ihahatid kita hanggang MRT.
'Wag na.

***

Ito ang pangit kapag kalbo eh. Kapag medyo humaba na. Mukha akong pugo eh.
Nagulat nga ako nung nagpakalbo ka eh.
Bakit?
Hindi lang ako sanay.

***

Ang layu-layo naman! Anong oras na oh.
Malapit na. Dahan-dahan lang kasi tayo para hindi ka kaagad mapagod.
Mabilis ba ko maglakad?
Oo.
Eh anong oras na kasi eh. Hindi ko mapapanood 'yung UAAP!
Sa YouTube mo na lang panoorin.
Nakakainis! Hindi na talaga ko sasama sa'yo.
Hahaha!

***

Teka lang, bibili ako ng pasalubong.
Ano ba yan!! Anong oras na oh. Gustong-gusto ko nang umuwi.
Relax ka lang diyan. Saglit lang 'to.
Wala bang McDo sa inyo?
Wala.
Kalokohan.
Upo ka muna dun oh. Saglit lang 'to.

***

*iaabot ang sundae*
Ano 'to?
Bayad ko. Kasi pinaglakad kita ng malayo.
Duh.
Ayan ah. Bayad na ko.
Hindi pa.
Ayan na nga 'yung bayad ko oh. Kinakain mo.
Hindi pa no. Nakakainis ka. Hindi na talaga ko sasama sa'yo.
Tignan lang natin.
Hindi naman ako mahilig dito eh. Oh, ubusin mo na.
Hawakan mo muna. May hawak pa ko eh.

***

Nakasakay ka na ba dito sa Ayala station?
Oo. Bakit?
Naligaw kasi ako dito dati eh. Nalito ako. Iisa lang pala ang bilihan ng ticket ng pa-North at South bound.

***

Lagot ka. Ang haba ng pila. Mukhang matagal mo pa kong makakasama ah.
Duh. May card ako no.
Swerte. Edi diretso ka na sa loob.

***

Osiya. Babye! Ingat pag-uwi.
Babye.

***

Marty!
Oh?
Babye! Salamat diyan sa sundae ah.

Parang 'di naman.


Habang unti-unti akong tinatablan ng alkohol, unti-unti ka ring pumapasok sa isip ko. Hindi naman ako uminom dahil nalulungkot ako sa mga nangyayari. Gusto ko lang naman sanang magpahangin sa labas at magyosi, kaso natiyempuhan ko namang umiinom ang barkada kaya napa-inom na rin ako.

Sinunud-sunod ko rin ang paghithit. Medyo namiss ko kasi ito dahil matagal-tagal rin akong hindi nakatikim. Maya-maya pa'y dahan-dahan na ring gumagaan ang pakiramdam ko. Natatawa na rin ako kahit sa mga walang kakwenta-kwentang biro.

At biglang nakita nanaman kita.

Nakatulala lang ako habang kanya-kanyang nagpapabida ang mga kainuman ko. Titig na titig lang ako, pero wala naman akong tinitingnan. Naglalaro ang ilang mga bagay sa isip ko at karamihan dito ay malayo sa katotohanan. Meron rin namang mga posibleng bagay, pero wala akong lakas ng loob na maisakatuparan.

Ilang inuman na nga ba ang napuntahan ko na ikaw ang iniiisip ko habang nilulunok ko ang laman ng baso?

Ito 'yung mga sitwasyon na pinakaayaw ko. 'Yung mga sitwasyong wala akong nagagawa kundi tumingin at manood na lang. Madalas akong agresibo at malinis kung gumalaw, pero ngayon, sa ikalawang pagkakataon ay nablangko ang utak ko at nasunog ang lahat ng sinulat kong plano. Hindi naman na bago sa'kin ang ganitong eksena. Ganito rin kasi ang kalagayan ko noong una akong makaramdam ng pag-ibig.

Paulit-ulit kong sinasariwa ang gabing iyon. 'Yung una at posibleng huling beses kitang mayayakap sa pagtulog. Hindi ko maiwasang mangiti tuwing inaalala ko.

Pero mas naging maganda siguro kung niyakap mo rin ako.

Pibikom.

Kakaiba ang mga sandaling iyon. Kumbaga, puto bumbong tuwing pasko. Matagal ko ring hinanap-hanap. Ilang taon na nga ba?

Iba ang pakiramdam nang igapos ko ang mga braso ko paikot sa bewang mo, at nung isinubsob ko ang mukha ko sa likod mo. Hindi katulad ng ibang mga gabi sa piling ng ibang mga babae. Wala akong naramdamang pagnanasa. Wala akong naramdamang libog.  Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko mailarawan kung ano ako nung mga oras na iyon. Hindi ko maipinta. Kung ihahalintulad siguro sa ibang mga bagay, masasabi kong napunta ako sa tabing-dagat, habang pinapanood ang paglubog ng araw. Magaan. Ligtas. Banayad.

Nanatili ako sa pagkakayakap. Inabuso ko ang kaginhawaan at nilasap ang kapayapaan ng paligid. Pinapakinggan ko lang ang boses mo habang nagsasalita ka. Nagmistula akong batang inihele ng iyong mga kwento.

Hinigpitan ko pa ang pagyakap at wala akong ibang ginusto kundi sana ay 'wag nang matapos ang gabi. Dito lang ako. Sana dito na lang ako.

Palagi.


Kung 'di ka masaya, lumipat ka sa iba.


Bukod sa pagkitil ng sariling buhay, ang paglayo siguro ang isa sa pinakamadaling paraan para tumakas. Ang tumakbo papunta sa malayo at ang mamuhay kasama ng mga bagong tao siguro ang pinakamagandang alternatibo kesa sa pagtalon at magpakaladkad sa LRT o  'yung pagchupa sa nguso ng baril.

Noong bata ako, hindi pumasok sa isip ko ang paglalayas sa tuwing napapagalitan o kapag hindi nasusunod ang mga gusto ko. Lumaki ako sa pamilyang kahit na madalas ay walang ulam eh cool naman at disente. Sila siguro ang may kasalanan kung bakit balanced ang ugali ko: kalahating mabait at kalahating ungas. Sa tingin ko'y mabuting balita yun. Nagpapasalamat ako kay Papa Jesus dahil sa kanila ako napunta.

Pero minsan, naiisip ko rin na siguro dahil rin sakanila kaya ako lumaking nakadepende sa tao. Nasanay akong may taga-abot ng tuwalya at tagahimay ng ulam naming tuyo. Masyado siguro nila akong inalalayan kaya ngayong gusto ko nang takbuhin ang sarili kong karera, medyo nahihirapan na akong ihakbang ang mga paa ko.

Masakit sa batok ang pressure.

Gusto kong may mapatunayan. Minsan nga ay naglalasing ako kahit na may pasok kinabukasan para lang patunayan kong kaya kong pumasok kahit na may hangover ako. Para lang sabihin na kaya ko ang sarili ko. Kayang-kaya ko ang sarili ko.

Samantalang hindi ko parin kayang matulog nang mag-isa sa bahay.

Ilang gabi na ring magulo ang isip ko. Magulong-magulo...


Camel.


Nabalitaan kong iginagapang na raw ang pagpapatong ng karagdagang buwis sa sigarilyo. Sa dami ng nagyoyosi sa Pinas, marahil marami rin ang magrereklamo. Bukod sa abot kayang halaga, ito rin ang kadalasang stress reliever natin at inip reliever na rin. Kalusugan naman daw ng mga pinoy ang pinoprotektahan nila kaya nila papatungan ng karagdagang buwis ang mga yosi lalo na 'yung mga mumurahing sigarilyo dahil ang karamihan raw sa mga nagyoyosi ay mga mahihirap. Hindi ko alam ang statistik niyan kasi wala naman talaga akong pake at ilang beses kong kinuha ang economics noong college at ilang beses rin akong bumagsak. Kunsabagay, ako man eh naranasan ko nang magutom nang husto at yosi lang ang ipinantawid ko noon sa gutom. Hindi ko naman sinasabing kalimutan niyo na ang pagkain at gawing alternatibo ang sigarilyo. Duh!

Ako man eh aminadong mahirap huminto sa ganyang bisyo. At sa tingin ko, hindi porket daragdagan ang presyo ng yosi ay bigla na lang hihinto sa paghithit ang mga sunog-bagang 'yan. Hindi ganun 'yun. Kung gusto talaga nilang isipin ang kalusugan ng mga adik, siguro ay trabaho at pagkakakitaan dapat ang ipamudmod nila, para naman may pangpa-ospital ang mga gago kapag bumigay na ang kanya-kanya nilang mga baga. Hindi naman titigil ang mga 'yan kaya ang siste, madadagdagan lang ang kita ng mga negosyante.

Pwede rin namang gawin nating balance ang lifestyle natin, kung totoong ang kalusugan nga ang iniisip nila. Pwede silang magconduct ng seminar shits patungkol sa kung paano mo mapapanatiling malakas ang baga mo kahit na regular kang naninigarilyo. 'Yung tipong isang kaha kada limang minuto ang nauubos mo. Pwede mo naman kasi sigurong palakasin ang baga mo habang unti-unti mo itong sinisira. Hindi ko lang alam kung epektibo 'yang shit na 'yan ah. Gawa-gawa ko lang 'yan haha.

Tanghali na pala. Makapagyosi nga muna.