Parang 'di naman.


Habang unti-unti akong tinatablan ng alkohol, unti-unti ka ring pumapasok sa isip ko. Hindi naman ako uminom dahil nalulungkot ako sa mga nangyayari. Gusto ko lang naman sanang magpahangin sa labas at magyosi, kaso natiyempuhan ko namang umiinom ang barkada kaya napa-inom na rin ako.

Sinunud-sunod ko rin ang paghithit. Medyo namiss ko kasi ito dahil matagal-tagal rin akong hindi nakatikim. Maya-maya pa'y dahan-dahan na ring gumagaan ang pakiramdam ko. Natatawa na rin ako kahit sa mga walang kakwenta-kwentang biro.

At biglang nakita nanaman kita.

Nakatulala lang ako habang kanya-kanyang nagpapabida ang mga kainuman ko. Titig na titig lang ako, pero wala naman akong tinitingnan. Naglalaro ang ilang mga bagay sa isip ko at karamihan dito ay malayo sa katotohanan. Meron rin namang mga posibleng bagay, pero wala akong lakas ng loob na maisakatuparan.

Ilang inuman na nga ba ang napuntahan ko na ikaw ang iniiisip ko habang nilulunok ko ang laman ng baso?

Ito 'yung mga sitwasyon na pinakaayaw ko. 'Yung mga sitwasyong wala akong nagagawa kundi tumingin at manood na lang. Madalas akong agresibo at malinis kung gumalaw, pero ngayon, sa ikalawang pagkakataon ay nablangko ang utak ko at nasunog ang lahat ng sinulat kong plano. Hindi naman na bago sa'kin ang ganitong eksena. Ganito rin kasi ang kalagayan ko noong una akong makaramdam ng pag-ibig.

Paulit-ulit kong sinasariwa ang gabing iyon. 'Yung una at posibleng huling beses kitang mayayakap sa pagtulog. Hindi ko maiwasang mangiti tuwing inaalala ko.

Pero mas naging maganda siguro kung niyakap mo rin ako.

Pibikom.

Kakaiba ang mga sandaling iyon. Kumbaga, puto bumbong tuwing pasko. Matagal ko ring hinanap-hanap. Ilang taon na nga ba?

Iba ang pakiramdam nang igapos ko ang mga braso ko paikot sa bewang mo, at nung isinubsob ko ang mukha ko sa likod mo. Hindi katulad ng ibang mga gabi sa piling ng ibang mga babae. Wala akong naramdamang pagnanasa. Wala akong naramdamang libog.  Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko mailarawan kung ano ako nung mga oras na iyon. Hindi ko maipinta. Kung ihahalintulad siguro sa ibang mga bagay, masasabi kong napunta ako sa tabing-dagat, habang pinapanood ang paglubog ng araw. Magaan. Ligtas. Banayad.

Nanatili ako sa pagkakayakap. Inabuso ko ang kaginhawaan at nilasap ang kapayapaan ng paligid. Pinapakinggan ko lang ang boses mo habang nagsasalita ka. Nagmistula akong batang inihele ng iyong mga kwento.

Hinigpitan ko pa ang pagyakap at wala akong ibang ginusto kundi sana ay 'wag nang matapos ang gabi. Dito lang ako. Sana dito na lang ako.

Palagi.


Kung 'di ka masaya, lumipat ka sa iba.


Bukod sa pagkitil ng sariling buhay, ang paglayo siguro ang isa sa pinakamadaling paraan para tumakas. Ang tumakbo papunta sa malayo at ang mamuhay kasama ng mga bagong tao siguro ang pinakamagandang alternatibo kesa sa pagtalon at magpakaladkad sa LRT o  'yung pagchupa sa nguso ng baril.

Noong bata ako, hindi pumasok sa isip ko ang paglalayas sa tuwing napapagalitan o kapag hindi nasusunod ang mga gusto ko. Lumaki ako sa pamilyang kahit na madalas ay walang ulam eh cool naman at disente. Sila siguro ang may kasalanan kung bakit balanced ang ugali ko: kalahating mabait at kalahating ungas. Sa tingin ko'y mabuting balita yun. Nagpapasalamat ako kay Papa Jesus dahil sa kanila ako napunta.

Pero minsan, naiisip ko rin na siguro dahil rin sakanila kaya ako lumaking nakadepende sa tao. Nasanay akong may taga-abot ng tuwalya at tagahimay ng ulam naming tuyo. Masyado siguro nila akong inalalayan kaya ngayong gusto ko nang takbuhin ang sarili kong karera, medyo nahihirapan na akong ihakbang ang mga paa ko.

Masakit sa batok ang pressure.

Gusto kong may mapatunayan. Minsan nga ay naglalasing ako kahit na may pasok kinabukasan para lang patunayan kong kaya kong pumasok kahit na may hangover ako. Para lang sabihin na kaya ko ang sarili ko. Kayang-kaya ko ang sarili ko.

Samantalang hindi ko parin kayang matulog nang mag-isa sa bahay.

Ilang gabi na ring magulo ang isip ko. Magulong-magulo...


Camel.


Nabalitaan kong iginagapang na raw ang pagpapatong ng karagdagang buwis sa sigarilyo. Sa dami ng nagyoyosi sa Pinas, marahil marami rin ang magrereklamo. Bukod sa abot kayang halaga, ito rin ang kadalasang stress reliever natin at inip reliever na rin. Kalusugan naman daw ng mga pinoy ang pinoprotektahan nila kaya nila papatungan ng karagdagang buwis ang mga yosi lalo na 'yung mga mumurahing sigarilyo dahil ang karamihan raw sa mga nagyoyosi ay mga mahihirap. Hindi ko alam ang statistik niyan kasi wala naman talaga akong pake at ilang beses kong kinuha ang economics noong college at ilang beses rin akong bumagsak. Kunsabagay, ako man eh naranasan ko nang magutom nang husto at yosi lang ang ipinantawid ko noon sa gutom. Hindi ko naman sinasabing kalimutan niyo na ang pagkain at gawing alternatibo ang sigarilyo. Duh!

Ako man eh aminadong mahirap huminto sa ganyang bisyo. At sa tingin ko, hindi porket daragdagan ang presyo ng yosi ay bigla na lang hihinto sa paghithit ang mga sunog-bagang 'yan. Hindi ganun 'yun. Kung gusto talaga nilang isipin ang kalusugan ng mga adik, siguro ay trabaho at pagkakakitaan dapat ang ipamudmod nila, para naman may pangpa-ospital ang mga gago kapag bumigay na ang kanya-kanya nilang mga baga. Hindi naman titigil ang mga 'yan kaya ang siste, madadagdagan lang ang kita ng mga negosyante.

Pwede rin namang gawin nating balance ang lifestyle natin, kung totoong ang kalusugan nga ang iniisip nila. Pwede silang magconduct ng seminar shits patungkol sa kung paano mo mapapanatiling malakas ang baga mo kahit na regular kang naninigarilyo. 'Yung tipong isang kaha kada limang minuto ang nauubos mo. Pwede mo naman kasi sigurong palakasin ang baga mo habang unti-unti mo itong sinisira. Hindi ko lang alam kung epektibo 'yang shit na 'yan ah. Gawa-gawa ko lang 'yan haha.

Tanghali na pala. Makapagyosi nga muna.

Girls, oh, just wanna have fun.


Ginanahan akong pumasok simula nung unti-unti ko nang nakakausap 'yung crush ko rito sa opisina. Dumadalas ang pagkukwentuhan namin sa Y!M kahit na oras ng trabaho at kahit pa marami siyang hinahabol na deadline. Nagkakabatian na rin kami kapag nagkakasalubong kami sa hallway o sa banyo. Umabot na nga sa puntong iniiwasan na naming magkasalubong ang mga landas namin dahil unti-unti na kaming nachichismis. Buntis daw ako. Charot.

Isang beses, nagkasundo kaming lumabas. Friendly date lang. Wala akong pera nung mga panahong 'yun kaya ako na ang nag-insist na magda-download na lang ako ng sangkatutak na horror movies at manood na lang kami maghapon dun sa tinitirhan niya. Paborito niya kasi ang mga creepy movies at pabor rin naman ako run para kung sakaling matakot o magulat siya sa pinapanood namin, bigla niya akong yayakapin. Tapos sexy time na.

Pinagpatuloy lang namin 'yung kung anong shit na ginagawa namin sa araw-araw. Kamustahan, bahagian ng kung anu-anong shit patungkol sa buhay, kultura, problema, mga paboritong pagkain, pelikula, libro, at pati kulay ng underwear. Naikukwento niya rin kung sino sa mga kaopisina namin ang kinaiinisan niya to the point na gusto na niyang ipitin sa elevator kapag nagkaron ng pagkakataon. Sa madaling sabi, dahan-dahan niyang binubuklat ang libro niya sa'kin. Pero ako, hindi ganun. Naging maingat ako.

Napapansin kong unti-unti na siyang nagiging clingy. Nagagalit kapag may iba akong kachat, o kapag mabagal akong magreply. Kung sinu-sino nanaman daw ang kausap kong chix kaya mabagal akong magreply. Gusto ko sana siyang sagutin ng "Pasensya ka na ah. Ganyan talaga kapag gwapo eh." kaso lang, hindi ako gwapo kaya hindi na lang ako sumasagot. Basta, masyado siyang clingy. Kung umasta siya eh parang siya ang may-ari ng etits ko.

Inenjoy ko lang 'yung company niya.

Hanggang sa isang araw, bigla siyang nagchat. Masaya raw siya nung araw na 'yun. Tinanong ko kung bakit pero medyo matagal siya bago sumagot. Siguro kasi medyo busy siya dahil sa mga deadline that day. Pagkatapos ng ilang minuto ay sumagot rin siya. Masaya raw siya dahil nagkabalikan na sila ng jowa niya.

Hindi ko alam kung bakit pagkatapos ng araw na 'yun eh bigla na lang kaming hindi nagpansinan.

Mabuti na lang, hindi ako kumagat.

Yo, sup.

Medyo napapatambay ako sa ilang malulupit na blogs dito sa blagesperyeo nitong mga nakaraang araw kaya siguro medyo ginaganahan ulit akong ipagpatuloy 'tong walang kwenta kong blog (napansin kong karamihan sa magagaling na blogger eh basura ang tingin sa mga blog nila ['di ko sinasabing magaling ako ah]). Pero mukhang mahihirapan akong magkwento dahil wala namang kabuhay-buhay ang haybu ko ngayon. Pagkagising ko, diretso sa trabaho at pagkatapos kong kumayod, diretso sa bahay. Maliban na lang siguro kung Sabado kasi siguradong sa mga beerhouse ako didiretso. Dun sa may mga sumasayaw na hipon at kuhol.

Kaya simula ngayon aking blog, imementena na kita. Apir.