Swabe

Kahit na medyo pangit ang pwesto kung saan ako nagyoyosi, medyo naging swabe naman ang jam dahil sa mahinang ulan na sinasabayan ng I Just Don't Wanna Be Lonely ni Ronnie Dyson na agad namang sinundan ng Soldier of Fortune ng Deep Purple. Madilim ang mga ulap, pero kung nagkataong may mukha ang langit, sigurado akong hindi ito nakasimangot. Pero hindi rin naman nakangiti. Nangangalahati palang ang sigarilyo'y naramdaman ko na ang pagkatok ng mga masasamang loob sa puwetan ko kaya naman pinatay ko na ang yosi't dali-daling nagpunta sa banyo.

Habang nakaupo at nagbabawas ng dumi mula sa bituka ay nakarinig ako ng mahinang iyak ng tuta. At maya-maya pa'y pumasok sa banyo itong pusa namin at saka tumuntong sa balde. Sa paraan ng pagtingin niya sa akin ay alam ko na kung ano ang gusto niyang sabihin. Kinuha ko ang tabo't sumalok ng maraming tubig at pagkuwa'y inilagay ko sa tabi niya. Agad rin naman siyang lumabas pagkatapos niyang uminom.

Hindi ko alam kung bakit bigla kong naalala ang isang dating kaibigan. Nakatambay siya noon sa labas, kumakain habang nakikipagkuwentuhan. Paulit-ulit niyang sinasabing medyo matagal raw siyang mawawala dahil may kailangan raw siyang puntahan. Paulit-ulit. Kinabukasan, nang ako'y umuwi galing sa eskuwela, nagulat na lang ako nang makita kong nakahiga siya, sa loob ng ataol, na para bang mahimbing lang na natutulog habang ang kanyang nanay ay nakaupo't tulala lang sa isang sulok.

Pagkatapos kong magbawas ay agad akong umupo at nagbukas ng computer. Napansin kong online ang ilan sa mga kaibigan ko ngunit hindi ko sila binati o kinamusta. Pinagpatuloy ko ang pagpapaganda at pagpapabango sa resume ko para makapag-umpisa nang makapaghanap ng hanapbuhay. Hindi parin nawawala sa isip ko ang posibilidad na baka sa mga susunod na linggo ay maging isa na akong ganap na guro.


Siguro.


Hindi ko sinasadyang makitang muli ang mga larawan. Hindi na ako nanibago sa hugis at sukat ng ngiti, ang anggulo ng mukha, ang tikwas at indayog ng buhok na nakunan ng letrato, at ang mga matang mapupungay na akala mo'y palaging inaantok. Hindi ko pinigilan ang sarili sa pagtingin-tingin.

Patuloy lang ang pagtitig ko sa mukha niya. Hindi ko na namalayan kung nakailang larawan na ba ako. Bigla akong napahinto ng umabot ako sa larawan kung saan magkatabi kaming nakaupo sa parke, sa ilalim ng puno ng bubot na niyog. Pinikit ko ang ang aking mga mata. Pinilit kong alalahanin ang damdamin. Hinukay ko sa aking pagod na isipan ang mga detalye kung ano nga ba ang pakiramdam ng maupo sa tabi niya, habang hawak ang malalambot at maliliit na palad at ang ulong bahagyang nakasandal sa aking mga balikat. Sinubukan kong tandaan kung dalisay nga ba ang pag-ibig na dumaloy sa ating koneksyon, sa ating mga ugat, at sa ating mga puso. Pinilit kong alalahanin. Pinilit ko.

Pero wala akong maalala.

Dumilat ako't iniwan ang lamesa ng nakangiti at payapa.

May I go out?

Galing ako noon sa pagdiriwang ng ika-dalawampu't isang kaarawan ng isang kaibigan. Syempre hindi mawawala ang inuman doon kaya nang dahil sa hangober, halos tatlong araw akong tumira sa kanila. Syempre hindi lang dahil sa hangober 'yun, dahil rin siguro sa katamaran.

Pag-uwi ko, nakasabay ko sa jeep ang isang dating kaklase. Nagtuturo siya ngayon sa isang kolehiyo. Nagkamustahan at nagkatanungan kung nagbayad na ba ng pamasahe ang isa't-isa. Hindi na ako nagulat nang tanungin niya kung saan ako nagtatrabaho ngayon...

"Sa bahay parin.", matipid kung tugon.

Naikwento niya na nangangailangan raw sila ngayon ng karagdagang tao. Kailangan raw nila ng karagdagang magtuturo ng Basic Web Design. Kung gusto ko raw, bakit hindi ko subukan. Ngumiti lang ako at hindi sumagot.

Isa sa mga ayaw kong trabaho ay 'yung kinakailangang humarap at makipag-usap sa tao. Hindi ako komportable. Kaya nga ayaw kong mag-call center dahil ayokong nakikipag-usap sa mga tao, magturo pa kaya?! Ni sa hinagap ay hindi ko nakita ang sarili kong nakapustura, nakatayo, at nagsasalita sa harap ng maraming estudyante.

Pero simula ng matanggap ko ang imbitasyong iyon, hindi ko maiwasang iguhit sa aking isipan kung ano ang magiging eksena kung sakaling makapasa at makapasok nga ako bilang tagapagturo. Mauutal kaya ako? Mangingisi? Seseryosohin kaya ako ng mga magiging estudyante ko, o babatuhin lang ako ng mga ginusot na papel? Pakikinggan kaya nila ako? May maganda at sexy kaya akong magiging estudyante? Ang mga ganyang tanong ang bumabagabag sa'kin bago ako matulog.

"Sige, magpapasa ako ng resume. Susubukan ko.", sagot ko sakanya kaagapay ng isang matipid na ngiti.


Pangako

Sa isang pitik lang ng mga mahahaba niyang daliri ay lumabas ang isang lalaking lubos niyang kawangis. Sa ilong, sa mata, sa hugis at talas ng panga, at sa nipis at haba ng buhok, walang pinagkaiba. Maliban na lamang siguro sa isa: wala itong buhay. Inihiga niya ito sa malamig na sahig ng banyo at saka pinaikutan ng kung anu-anong gamot. Lumabas siya ng kwarto at muli, ipinitik ang kanyang mga daliri at mabilis na naglaho.

---

Isang simpleng pag-alala ang naganap kinagabihan. Walang masyadong maririnig bukod sa tunog ng tubig-ulang humahampas sa makalawang na yero at ang tahol ng mga agresibong aso. Sa bukana ng mumunting tahanan ay nakalagak ang yayat at putlang labi ng binatilyo, nakapikit na tila himbing na himbing sa puti at manipis na kahong gawa sa mumurahing kahoy.

Dahan-dahan siyang lumapit sa bangkay, ipinatong ang mga siko sa salamin at saka umusal ng mga panalanging walang sinuman ang nakaka-intindi. Taimtim. Tahimik. Pagkatapos ay tumayo siya ng matuwid, tumalikod at napansing walang sinumang naroon sa kanyang huling burol.

---

Pagmulat ng kanyang mga mata'y nasa tuktok na siya ng isang mataas na bundok. Masyadong manipis ang hangin. Malusog na kumpol ng usok ang kumakawala sa kanyang bibig sa tuwing siya'y magbubuntong hininga. Tumayo siya sa bingit ng talampas. Itinaas ang kamay. Mataas na mataas. Mataas na mataas. Itinaas niya ang kamay, pati na rin ang kanyang nanlalamig na noo. Nakataas lang ang kanyang mga kamay. Nilasap niya ang nipis ng hangin, ang mga natitirang gunita, at ang mga mantsa ng luha sa pisnging dali-daling natuyo.

Maya-maya pa'y nagkakalat na ang dugo.