Bikini mong itim

Halos isang oras na akong nakatitig sa blangkong pahinang ito. Walang laman. Wala akong mailaman. Pero marami akong gustong isukang ideya, emosyon at mga pagkakataong gusto ko lang sumambulat papunta sa blankong digital na papel na 'to na parang sukang bumulwak mula sa bunganga ng isang lasing. Lasing sa matatabang na pakiramdam na kailanma'y hindi nagkaron ng pagkakataong haluan ng kahit kaunting asukal para man lamang sana tumamis.

Nakakasuya nang sumubok ng sumubok at pumalya ng pumalya. Parang isang computer program na dinisenyo para lang lumagapak sa putikan at muling iahon pataas para lang muling ihampas sa lupang basang basa ng pinaghalu-halong pawis, dugo, luha at libag.

Nakakasuka.

Wala akong ibang ginagawa kundi magpabango at magpaganda. Para akong iskultor na nagpupumilit ukitin ang sarili kong anyo para lang pumabor sa panlasa ng mga bobo at mga mangmang na gutom sa kagandahan.

Nangangalahati pa lang ang sigarilyo'y pinapatay ko na para makapagsindi ng panibago. Maski itong nikotin ay walang naitutulong sa nararamdaman kong umay at pagod sa paikot-ikot na nangyayari.

Inalog ko ang tangan kong panindi at saka iniitsa sa kalsadang nagliliyab sa init ng katanghalian.