Post, No bill.


Dumarating talaga sa buhay ng asong katulad ko ang mga oras na bigla-bigla na lang tayong makararamdam ng lungkot, ng bigat sa dibdib, at sa balikat. Hindi ko malaman kung ano nga ba ang dahilan ng pag-iinarte kong ganito. Bigla na lang akong mawawalan ng gana sa mga bagay na kanina'y halos kantutin ko na sa sobrang tuwa. Bigla na lang nabubura ang atensyon ko sa lahat-lahat at biglaang mapapatingin na lang ako sa kawalan, na para bang hinahanap ko ang kasagutan sa mga tuyong dahon ng mangga.

Bigla kong maiisip na sa ganitong mga pagkakataon tumatamis ang yosi.

Unti-unting papasok sa papakitid kong isipan ang mga mumunting pagkukulang ko, na habang tumatagal ay dahan-dahan ding lumalaki. Kulang ako sa pera. Kulang ako sa damit. Kulang ako sa laman. Kulang ako sa talino. Kulang ako sa talento. Kulang ako sa kaibigan. Kulang ako sa pagmamahal.

Siguro nga'y masyado lang akong naghahanap. Masyado akong naghahangad at umaasa na ganito ang kalalabasan ng ganyan, at ganun ang kalalabasan ng ganito. Kaya siguro naging matalik na kaibigan ko ang pagkadismaya.

At bigla akong mapapayuko.

2 comments:

  1. I feel you, man! Ganyan din ako, hindi lang minsan, kundi every fuckin' time!

    ReplyDelete
  2. dami mo naman yata ka-FB eh.. hehehe

    ReplyDelete