Sing a long.

Nagyosi muna ako sa ilalim ng MRT Ayala Station para magmuni-muni. Masyado pang mainit kaya nakakatamad pang umuwi. Hindi lang ako ang nagyoyosi sa madilim na lugar na iyon, kundi isang pulutong ng mga taong nagpapahirap sa kanya-kanya nilang baga. Ang iba'y may mga kasamang kasintahan at mga kaibigan. May iba namang kagaya ko na nag-iisa lang. Nakasandal lang ako sa isang tahimik na sulok habang ibinubuga ang usok pababa. Pagkatapos hithitin ang huling nikutin ay agad rin akong umahon para maghintay ng bus.

Iba talaga kapag natiya-tiyambahan ka ng swerte. Hindi na ako naghintay ng matagal dahil nakakita agad ako ng bus na diretso sa Kabite. Hindi na ako mahihirapang bumaba pa sa may Taft para maghintay nanaman ng masasakyan. Pagpasok ay napansin ko kaagad ang bilang ng mga bakanteng upuan. Okupado na ang lahat ng nasa bandang bintana. Sayang, 'yun pa naman ang paborito kong pwesto. Naghahanap na ako ng pinakamaganda at pinakakomportableng mapupwestuhan nang mapansin kong may nag-iisa pa palang bakante sa tabi ng bintana. Sabi ko nga kanina, iba talaga kapag natiyempuhan ka ng swerte. May makakatabi pa kong magandang babae.

Napansin kong ayaw niya sa may bintana. Hindi ko lang maisip kung bakit. Tumayo ako sa harapan niya at sumenyas para makadaan at makaupo na. "Excuse me, miss." Ngumiti lang siya at umusog nang kaunti, saktong-sakto lang para makadaan ako. Pagkaupong-pagkaupo ko ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagkain.

Napansin kong parang walang lumalabas na lamig sa aircon kaya inayos ko ang mga ito. Habang tinitimpla ang anggulo at ang lakas ng ibubuga nitong hangin, napansin kong nakatingin sa kinakalikot kong aircon itong katabi kong babae.

"Ayaw mo ba ng aircon?", malumanay kong tanong.

"Hindi naman. Okay lang.", matipid niya namang tugon.

Saktong-sakto ang ginaw at komportableng-komportable ang pagkakaupo ko. Dinukot ko ang cellphone ko sa bag at saka isinaksak sa mga tenga ang earphone. Sinuot ko ang baon kong jacket at pumuwesto na para sana matulog nang muli ay mapansin ko itong katabi ko na tila hindi mapakali. Palinga-linga at para bang may gustong sabihin. Tinanggal ko ang earphone sa kaliwang tenga ko at iniabot ko sa kanya.

"Ano 'to?" makikita mo sa kanyang magandang mukha ang pagtataka.

"Sounds muna tayo para hindi ka mainip." kaagapay ng matipid kong ngiti. "Kaso radyo lang 'to."

Tinanggap niya. Ngumiti lang siya.

Sumandal akong muli sa bintana, nakaharap sa labas, at pinapanood ang mga rumaragasang bus at mga pribadong sasakyan. Sinusubukan kong umisip ng mga paksang magandang buksan para sa mga ganitong tagpo. Mga kwentong hindi nakakailang pag-usapan sa kagaya namin na parehong estranghero.

"Ano nga pala 'yung kinakain mo kanina, ngayon lang kasi ako nakakita nun eh." muli kong baling.

"Ahh ito? Shing-aling." habang iniaabot sa akin ang supot. "Gusto mo?"

"Bakit hindi mo inubos? Ayaw mo na?

"Masyadong maalat eh."

Nag-uumpisa nang umandar ang gulong ng aming usapan. Unti-unti nang gumagana nang malaya ang aming mga utak para sa mga tanong at kwento na maaari naming paghatian, kaagapay ng aming malumanay na bibig na siyang nagsisiwalat ng aming mga saloobin at mga opinyon sa mga bagay-bagay. Bumibilis ang oras ngunit hindi ito kapansin-pansin. Ilang beses ko rin siyang napangiti at napatawa at ganun rin naman siya sa akin.

"Donny." habang iniaabot ko ang aking kanang palad.

"Kanina pa tayo nagkukwentuhan, hindi pa pala natin alam ang mga pangalan natin. Marj." nakangiti siyang nakipagkamay.

"So, bakit mag-isa ka lang?"

"Ngayon? Ahh. Wala kasi 'yung boyfriend ko. May trabaho pa ng hanggang 7pm. Kaya nauna na ako."

Hindi ko na natandaan ang mga sumunod na nangyari, maliban sa letratong naiwan sa aking isipan. Letrato niya, habang naglalakad palayo sa ilalim ng ulan.

Hinintay ko siyang lumingon, pero umandar na ang bus na sinasakyan ko.

Tapos nagjakol ako pag-uwi.

No comments:

Post a Comment