Ipilit natin.

Nitong nakaraan lang eh napagkwentuhan namin ng mga bago kong vhezzzy ang tungkol sa mga dream wedding namin. Hindi naman talaga namin siya "napagkwentuhan". Napag-usapan lang namin nung minsang naglaro kami nung larong hindi baduy.

Wala pa sa isip ko ang pag-aasawa. Sarili ko nga eh hindi ko mapakain ng maayos, mag-aanak pa ba ko ng sampu? Siyam na lang siguro, pwede pa. Pero ang pagkakaroon siguro ng pamilya ang ultimate pangarap ko with flying colors. Hindi ko alam kung bakit, pero maiintindihan niyo naman siguro dahil katulad ko, gusto niyo rin namang magkaroon ng sarili niyong pamilya. 'Yun bang mumurahin mo sa umaga dahil wala kayong almusal. Biro lang.

'Di rin naman ako mahilig sa bata. Sa katunayan nga eh buwisit na buwisit ako sa mga kabataan lalo na 'yung ubod ng kukulit. 'Yun bang kulit na hindi na kyut. May mga kulit kasing nakakatuwa. Katulad nung kulit ng naglalambing. 'Yung babatuhin ka ng bola sa mukha pagkatapos ay hahagalpak siya sa katatawa. Bola ng bowling pre. Hindi kyut 'yung pre. Hindi kyut. Pero kung 'yung isang 'bata' ang pag-uusapan...naku.

Ang pagpapamilya ay karaniwang nag-uumpisa sa kasal. Pero sa panahon ngayon, may apo ka na eh hindi pa kayo kasal ng iniirog mo. Sabi nga run sa isang old school na kasabihan, "Ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo mo, at mauubo ka kapag nabulunan ka kasi matakaw ka." Pagpapatahi pa lang ng mga costume na gagamitin niyo sa kasal, makati na sa bulsa. 'Yung pambili pa ng mga prutas, paputok, kare-kare, buko juice, condom, at alak, naku, matinding gastos. 'Yung bus pa na gagamitin nung babae papunta sa simbahan. O 'di ba? Kailangan ng matinding preperasyon 'yan. Kaya totoo nga 'yung lumang kasabihan na, "Ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na isusubo mo, tapos magtatae ka kasi panis na 'yung kinain mong kare-kare."

Pero kung nagkataong medyo nakaluluwag naman ako sa buhay at kaya ko namang tustusan ang kahit anong trip kong kasal, gagawin ko. Meron akong ilang magaganda at bagong ideya para sa kasal. Masyado na kasing gasgas at baduy 'yung mga beach wedding, at garden wedding. Kung natupad ko lang sana 'yung pangarap kong maging astronaut, siguradong ako ang kauna-unahang magpapa-Mars wedding. Kaso hindi naman ako naging astronaut kaya sayang. Dahil nasa IT field naman ako, swak na siguro 'yung computer shop wedding. Medyo creepy siguro 'yung kasal nung mga embalsamador, ano?

Gusto ko sanang ikwento dito 'yung matinding ideya ni Mary Jane eh, 'yung mall wedding? Kaso baduy eh.

Kayo? Anong dream wedding niyo? 'Yung hindi baduy ah. *kindat*

2 comments:

  1. classic yung sa amin.. walang tsetseburetse.. straight-up I DO lang.. walang honeymoon.. tinuloy ang buhay..

    pero kung sakali nga, pwede na siguro sa stage ng urbandub habang tumutugtog sila.. hehehe

    ReplyDelete
  2. Casual wedding lang. Yung maraming cash galing sa bisita.

    ReplyDelete