Pagbabalat ng Mangga

Nagising ako sa lakas ng busina ng papalapit na truck ng basura. Nang bumalik sa katinuan ang isip ko'y nakita ko ang sarili ko na nakatayo sa gitna ng kalsada. Inulan ako ng mura galing sa mabahong bunganga ng driver ng umaalingasaw na truck. Kung gusto ko raw magpakamatay, 'wag na raw akong mandamay. Hindi ko siya pinakingga't naglakad na ako patawid sa kabilang kalsada.

Nakakapagtaka. Hindi ko mahalungkat sa memorya ko kung ano nga ba ang dahilan ng ating pagtatalo. Balibaligtarin ko man ang utak ko'y hindi ko talaga mawari ang dahilan ng pagsisigawan at pagbabatuhan natin ng masasakit at malulutong na mura. Sinampal mo ko sa pisngi. Sinuntok ko ang pader. At sabay na nalunod ang ating mga mata sa maaalat na luha.

Pumara ako ng bus. Umupo ako sa likuran. Tumitig ako sa kalsada't binuksan ang sarili kong mundo.

Maya-maya pa'y nagtatalsikan na sa mukha ko ang laway ng kundoktor. Inulan nanaman ako ng putangina. Kanina pa daw niya ko kinakausap. Kanina pa daw niya ako tinatanong. Kanina pa daw niya ako sinisingil. Inabot ko ng tahimik ang bayad ko't hindi na hiningi pa ang sukli. Wala na akong lakas para makipagtalo. Naubos na ang boses ko para makipagputanginahan. Pinunit ko ang inabot niyang ticket at saka isinuksok sa singit-singit ng kinauupuan.

Biglang naipit ang sinasakyan kong bus sa makapal na trapik. Nagsisigawan ang mga tao. Nagkakagulo. May kung anong shit ang nagaganap sa unahan. Wala na akong pakealam kung ano man ang nangyayari. May sarili akong problema at gusto ko munang takbuhan ito ngayon. Unti-unti nang umuusad ang bus at nananatili paring lugmok ang pakiramdam ko. Mabigat. Madilim. Masukal. Mahapdi.

Pagkalampas ng namin sa nagkumpulang tao'y naaninag ko ang dahilan ng kaguluhan at ingay. Isang binata ang nakahandusay sa gitna ng kalye, duguan. Nabundol daw ng truck ng basura.

At nakita ko ang sarili kong nakahilata sa pisngi ng bangketa.

3 comments:

  1. Peborit ko to eh, ito rin yung nabasa ko sa tumblr. (^__________^)

    ReplyDelete
  2. kaya trip ko ang mga panulat mo pare kasi kahit weird yung tema, weird yung konsepto, weird yung daloy ng kwento pero hindi magulo.. lalong hindi magulo yung pagkakabaybay ng salitang ginamit at hindi rin magulo yung pinoy grammar.. marami kasi mga pinoy writers na medyo nalilihis sa balarila.. basta the best ka pare.. hehehe (patoma ka na..)

    ReplyDelete
  3. Salamat sir! Inom tayo minsan! Tapos, magiging madalas ang minsan. Hehe.

    ReplyDelete